Operasyon ng ‘Dugo-dugo gang’, dapat matutukan!
RESPONDE - Gus Abelgas (Pang-masa) - January 17, 2018 - 12:00am

Mukhang nadadalas ang pagsalakay ng mga kawatang ‘Dugo-dugo gang’ hindi lamang sa mga kabahayan kundi may report na gumagala rin ito sa ilang mall at doon nambibiktima.

Halos sunud-sunod ang pagsalakay ng grupo, na hindi naman mabatid kung iisang grupo ang mga ito.

Sa Quezon City, isang negosyante ang pinakahuling biktima ng mga kawatan kung saan natangayan ng may P4.5 milyong cash at halaga ng mga alahas.

Ayun, gaya ng matagal na nilang modus, may mga nabibiktima pa rin ang mga ito.

Ito yung mga tumatawag sa mga telepono sa mga bahay-bahay, nagpapanggap madalas na siya ang may-ari ng bahay o kaya ay pinatawag ng may-ari.

Kadalasan mga kasambahay ang inuutusang kumuha ng pera at alahas sa kuwarto ng kanilang amo. Idadahilan na naaksidente o nakaaksidente ang kanilang amo na nangangailangan ng malaking halaga kaya ipapadala ang mga gamit.

Pagnakuha na ang pakay mawawala nang parang bula ang mga suspect.

Matagal na rin itong ibinabala ng pulisya sa publiko, ang siste marami pa rin ang nahuhulog dito.

Maging sa mismong mga may-ari ng bahay, laging paalala ng pulisya huwag agad basta magtiwala sa kinukuhang kasambahay na madalas na sinasabing kasabwat o kasapakat ang ilan. Kung aalis siguruhing nakatagong maigi ang mahahalagang gamit .

Ngayon hindi lang sa mga bahay-bahay naisasagawa ang ganitong modus, may mga ulat din na nambibiktima na ang mga ito sa mga matataong lugar tulad ng mga mall gamit ang ibang modus. 

Kaya nga ang pinakamabuti huwag nang makipag-usap o makipagtransaksyon sa mga taong basta na lamang lumapit o kumausap sa inyo. Isipin lagi ibat-iba ang mukha at modus ng mga sindikato kaya kailangang mag-ingat na mahulog sa bitag ng mga ito.

Dapat na rin itong tutukan ng kapulisan dahil marami-rami na rin ang napahirapan ang mga kawatan.

Philstar
Facebook
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with