Nangangamoy 2019 election na
BAKAS! - Kokoy Alano (Pang-masa) - January 3, 2018 - 12:00am

LABINLIMANG buwan mula ngayon, eleksyon na naman, kaya asahan na natin na ang 2018 ay magiging masalimuot dahil magiging aktibo na ang mga reeleksiyunistang pulitiko na sasabayan ng mga nag-aambisyong tumakbo sa 2019. May mga nagbubuo na ng pansariling makinaryang pampulitika, kaya hindi malayong malansag ang pinag-isang puwersa ng administrasyon na nagmula sa iba’t ibang partido pulitikal tulad ng LP, NP, NPC, LAKAS Kampi, UNA, KBL at iba pa na umalyado sa administrasyon ni Pres. Digong Duterte matapos ang 2016 election.

May mga nagbabangayan na diumano sa  mismong partido ng administrasyong PDP-Laban at may haka-haka na may namumuong hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng grupo nina Senate Pres. Koko Pimentel na Presidente ng PDP Laban at House Speaker Bebot Alvarez bilang Secretary General ng partido dahil daw sa party principles, kaya namimiligrong magbuo ng bagong partido politikal ang administrasyon bago dumating ang 2022 Presidential elections.

Ang usaping pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at CPP-NDF ay tuluyan nang ibinasura dahil sa mga pag-abuso at paglabag sa mga alituntunin ng negosasyon. Ang grupong Kadamay na  sapilitang nang-agaw ng proyektong pabahay para sa mga sundalong wala ring mga bahay ang nag-buena mano ng karahasan kaya maaring ito ang naging dahilan ng mga miyembro ng Blue Ribbon Committee sa Senado para tuldukan ang pananatili nina dating Department of Agrarian Reform (DAR) secretary Rafael Mariano at DSWD secretary Judy Taguiwalo na kilalang mga maka-kaliwa.

Sumuporta ang maka-kaliwang grupo kay Digong noong 2016 Presidential elections kaya sila nakabahagi ng posisyon sa gobyerno, pero ngayong magkasalungat na sila, hindi pa rin nakapagtatakang ligawan ang grupo nila ng ibang partido pulitikal na kaalyado ng administrasyon sa 2019 election dahil talaga namang may bilang din sila tulad ng sektang Iglesia ni Cristo. Ganyan lang talaga ang pulitika mga Kabakas.

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with