Condom: Mabisang proteksyon sa HIV/AIDS
DOCTOR’S TOUCH - Dr. Luis Gatmaitan M.D (Pang-masa) - September 16, 2017 - 4:00pm

HINDI mapigilan ang pagdami ng kaso ng HIV infection sa bansa. Pabata nang pabata ang nai-infect ng virus. Bagama’t kahit sino ay posibleng tamaan nito, bata man o matanda, sinasabing ang populasyon na pinakaapektado nito ay men having sex with men (MSMs).  Kasama na ang Pilipinas sa siyam na bansa sa buong mundo na may mataas na kaso ng nagpopositibo sa HIV. Kasama na rito ang mga kabataang sexually active na hindi maingat sa kanilang sexual encounters.

Dati-rati, ang condom ay ginagamit lamang bilang isang family planning method. Hinahadlangan kasi nito ang pagsasanib ng semilya mula sa lalaki at ng egg cell mula sa babae sa panahon ng pakikipagtalik. Pero ngayon, ang paggamit ng condom ay hindi na lamang isang paraan ng family planning. Mas madalas ay ginagamit ito kapag hindi sigurado sa taong katalik. Mas mabuting maging matapat sa isang taong minamahal. Pero kung hindi kayo tiyak sa history ng taong makakatalik n’yo, nandiyan ang condom na tutulong para makaiwas kayo sa posibilidad ng sexually transmitted infections, kasama na ang HIV infection na kalaunan ay mauuwi sa AIDS kapag nasira na ang immune system ng isang tao.

Hindi maipapayong maging mapangahas sa mga sexual encounters, pero kung nalagay kayo sa ganitong sitwasyon, kailangang proteksiyonan ang inyong sarili.  Mas mahirap ang kakaba-kaba kayo matapos ang isang pakikipagtalik na walang proteksyon. Huwag gagawing basehan ang pisikal na hitsura  ng isang tao para magdesisyon kung gagamit ng condom o hindi. Hindi porke’t maganda, guwapo, mabango at mukhang malinis ay hindi na kayo magko-condom. Hindi dapat mag-react ang mga relihiyoso at konserbatibo tungkol sa paggamit ng condom. Hindi ito dapat tingnan bilang isang tool para maging mapangahas.

Ganito ang naging paliwanag ng isang kapwa-manggagamot sa paggamit ng condom. Inihalintulad niya ito sa pagdadala ng payong. Nagbabaon daw tayo ng payong hindi dahil inaasahan nating uulan. Pero sakaling umulan, nandiyan ang payong na magagamit para di tayo mabasa. Ganun din daw sa paggamit ng condom.

Karamihan sa condoms ngayon ay yari sa latex rubber. Pero may mga condom din na gawa sa manipis na polyurethane (plastic) o polyisoprene. Mas gusto ng iba ang ganitong mas manipis sapagkat mas nakararamdam daw sila ng sensation dito at puwedeng gamitin ng mga taong sensitibo sa latex rubber. Pero sinasabing mas marupok ito kumpara sa latex rubber. Ngayon nga ay mapapansing may iba-ibang hitsura ang condom na mabibili sa drug stores at mga convenience shops.

Bakit safe itong gamitin sa HIV?

Kahit ubod ng liit ang HIV virus, hindi ito makakaalpas sa latex. Pero ang mga condom ay may expiration date din. I-check ang lalagyan nitong pakete. Kadalasan, ang mga condom na naglalaman ng spermicide (pampatay ng sperm cells) ay nagtatagal lamang ng dalawang taon. Ito yung mga condoms na ginagamit para sa purpose ng family planning.  Pero yung walang lamang spermicide, sinasabing puwede itong gamitin sa loob ng 5 taon. Ngayon, kung hindi kayo tiyak kung gaano na katagal ang condom, itapon na lamang ito at bumili ng bago, lalo na kung mukhang malutong na ito, nagdidikit-dikit, o parang kupas na ang hitsura.

Bilang isang family planning method, sinasabing epektibo naman ang condoms depende sa pagkakagamit nito. Pero kung ikukumpara sa ibang contraceptive methods gaya ng paggamit ng oral contraceptive pills, mas inferior ito.

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with