EDITORYAL - Laging magdaos ng earthquake drill
(Pang-masa) - April 7, 2017 - 12:00am

MAY mga nararamdaman pang pagyanig sa Batangas makaraan ang magnitude 5.5 na lindol noong Martes ng gabi. Ayon sa Philippine Institute on Volcanology and Seismology (Phivolcs), nakapagtala ng 60 aftershocks sa iba’t ibang bayan sa Batangas. Pinakamatinding naramdaman ang lindol sa Tingloy kung saan may mga bahagi ang simbahan doon na nabasag ang dingding, bagama’t wala namang namatay o nasugatan. Tumama rin sa Batangas City, Malvar at Calatagan. Naramdaman din sa Cavite, Laguna, Quezon, Mindoro at Metro Manila at Bulacan.

Noong Pebrero, tumama rin ang lindol sa Surigao (magnitude 6.7) na ikinawasak ng mga gusali, bahay at tulay. Nagkaroon din nang maraming aftershocks. Pinayuhan ng Phivolcs ang mga residente at local officials na ipasuri ang mga bahay at gusali para matiyak kung maaari pang tirhan.

Maaaring lumindol anumang oras. Walang makakapigil sa pagyanig ng lupa kaya nararapat magdaos ng earthquake drill bilang paghahanda. Kailangang maihanda ang mamamayan para huwag mag-panic. Ang pagpa-panic ang dahilan kaya maraming namamatay.

Ayon sa Phivolcs, dapat paghandaan ang “The Big One” sapagkat hinog na ang mga faults. Noong 2015 inilabas ng Phivolcs ang mga lugar na sakop ng faultline. Ang faultline ay nagsisimula sa Montalban, Rizal at nagtatapos sa Carmona, Cavite. Noong 2013, nagbabala na ang Phivolcs na kapag tumama sa Metro Manila ang 7.2 magnitude na lindol, 37,000 katao ang mamamatay at ang pinsala ay aabot sa P2.4 trillion. Natukoy ang West at East Valley Fault nang magsagawa ng pag-aaral ang Phivolcs katulong ang PAGASA at Mines and Geosciences Bureau.

Mahalaga ang pagdaraos ng regular na earthquake drill. Kamakalawa, nagsagawa ng earthquake drill sa ilang malalaking establisimento sa Metro Manila sa pangunguna ng  Metro Manila Development Authority (MMDA). Nararapat mamulat ang lahat sa kahalagahan ng paghahanda sa pagtama ng lindol. Magdaos din ng fire drill sapagkat kadalasang ang kasunod ng lindol ay sunog.

Hindi dapat balewalain ang earthquake drill. Mahalaga ito kaya nararapat makiisa ang lahat.

PHIVOLCS
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with