‘Labintatlong taon na kami’
CALVENTO FILES SA PM - Tony Calvento (Pang-masa) - December 8, 2016 - 12:00am

TAONG 2003 nagkakilala kami ni Miguel “Migs” Belmonte sa Cowboy Grill sa may bandang Luneta. Hinikayat niya akong magsulat una para sa PangMasa (PM).

Pinag-isipan kong mabuti dahil kagagaling ko lang sa isang madugong labanan na dalawang bala ang tumama sa aking katawan. Isa sa tiyan at isa sa dibdib.

Naalala ko ang bunso kong anak na si Sonny. Matapos kong makatanggap ng award mula sa New York Film Festival noong 1999 para sa ‘Dying young but not in vain’.

Nanatili ako sa Delos Santos Hospital ng ilang linggo at nag-therapy ako para makalakad muli.

Ang tanong ko nun sa aking sarili mag-iiba na ba ako ng linya na magmula nung 1991 ito na ang ginagawa ko. Pinag-isipan kong mabuti at sinabi ko kay Migs na “sige willing akong magsulat”.

Sabi niya tatlong beses isang linggo sa bagong dyaryong itatayo niya na sister publication ng Pilipino Star Ngayon (PSN). Nagsumite ako ng una at pangalawang artikulo. Hindi pa natatapos ang pangatlo nang sabihin niyang kung pwede ba akong magsulat sa PSN.

Sino ba ang tatanggi na ang PSN nun ay isang kilalang disente at kung sirkulasyon ang pag-uusapan napakalaki ng sirkulasyon hindi lang sa Pilipinas kundi pati sa ibang bansa at sa Gitnang Silangan.

Walang bold, disente, walang storyang malaswa. Sabi ko sa sarili tanga na lang ako kung aayaw ako.

Binalikan ako ng aking anak bitbit ang dyaryo at sinabing nagsusulat ka na pala? Akala ko ba magnenegosyo ka na lang? Sagot ko naman “diyan ko kayo pinakain at pinalaki. Yan ang alam kong gawin.”

Bakit ako papasok sa isang larangan na hindi ko alam na maaaring maubos ang aming pinag-ipunan. Hindi siya kumibo, tiningnan ako tumalikod lumakad papalayo.

Yan ay labing tatlong taon na ang nakakaraan. Ngayon ay pang labingtatlong taong anibersaryo ng PM. Napakabilis ng panahon. Biniro ko si Migs. “Kung magkano ang binibigay mo sa ‘kin noon sa PM hindi na nadagdagan yun o nabawasan.”

Isang malakas na tawa ang nadinig ko sa kanya. Sabi niya dapat siguro ‘we have to reevaluate that’. Ewan ko kung maalala niya yun sa 2017. Malamang maalala niya dahil si Migs ay isang kabalyero at natutunan kong masustuhan ang kanyang ugali.

Hindi siya mapaghusga at basta maniniwala sa tsismis ng iba at higit sa lahat hindi niya binibitiwan ang kanyang mga tao maliban na lang kung ang mga ito ay sobrang garapal na.

Sa ganda ng samahan namin ni Migs hindi ako nag-atubili na hilingin sa kanya na maging ninong ng aking panganay na anak na si JC Calvento sa kasal nito nung February 7, 2016.

Si Miguel Belmonte kahit gaano kadaming trabaho pagtuntong ng linggo siya’y isang huwarang Padre de Pamilya at buong araw niyang inilalaan ito para sa kanyang asawa at anak.

Isa lang ang mapipintas ko sa kanya bakit naman sa dami dami ng iyong kolumnista si Lolit Solis pa ang napili mo na madalas sabihing si Papa Miguel. Alam kong matatawa ka dito pero alam ng lahat na ito’y pagpapakita na si Miguel Belmonte ay minamahal ng kanyang kolumnista.

Ngayong ika-labingtatlong anibersaryo ng PangMasa taos puso kong sasabihin. Maraming salamat Miguel para kang may Midas touch na kahit anong hawakan mo ay nagiging ginto. Maski na ang pagkakaibigan. Salamat Miguel.

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with