May nakadungaw na unggoy sa bintana

DIKLAP - Ms. Anne (Pang-masa) - May 30, 2016 - 12:00am

NOONG ipinanganak ang aking ikalawang kapatid, nawala ang aking pagiging bidang panganay. Napabaling ang pansin ng lahat sa bagong beybi na pamilya. Palibhasa ay napakaputi ng aking kapatid, biglang nagkaroon ng malupit na comparison sa aming dalawa: “Ay! Mas maganda ang bunso kaysa panganay.” Kayumanggi ako pero mas maputi naman kaysa puwet ng kawali. Sa aking batang isip, hindi ko namamalayan na may epekto pala sa akin ang ganoon klaseng comment ng mga tao. Bigla kong naisip na pangit ako kasi hindi ako kasingputi ng aking kapatid. Na kapag hindi ka maputi, automatic na nasa kategorya ka na ng mga pangit. Nakakasama pala ng loob na magkaroon ng mas magandang kapatid.

Noong ako ay walong taong gulang ay may naging kalaro ako na magkapatid—isang lalaki at isang babae. Ang babae ay normal ang hitsura samantalang ang kuya niya ay bingot (harelip) at ngongong magsalita. Isang araw ay pinuntahan ko ang magkapatid na ito sa kanilang bahay dahil may utang silang sampung piraso ng lastiko (rubber band) sa akin.

Dalawang araw na ay hindi pa nila ibinabalik ang hiniram nila sa akin kaya pinuntahan ko para singilin. Nang tinatawag ko na ang kanilang pangalan ay biglang sumungaw sa bintana ang isang batang babae (parang nasa 4 o 5 taong gulang) na may kakaibang anyo—maliit ang ulo kaysa normal na size, maliit ang mata na parang mata ng unggoy at may manipis na balahibo ang buong mukha. Sa kabuuang vista, mukhang unggoy ang bata. Titig na titig ako sa bata. Nahuli ako ng aking kalaro na nakatitig sa kanyang kapatid.

Iniabot niya sa akin ang utang na lastiko. Tapos nagdayalog na may kasamang buntong-hininga—“Buti ka pa, maganda ang kapatid mo. Ang sa akin, mga abnormal”.

 Pag-uwi sa bahay, pinupog ko nang halik ang aking kapatid. Okey lang na mas maganda siya sa akin, at least, hindi man pang-Reyna ng Santacruzan ang aking beauty, hindi naman ako ikakahiya ng aking kapatid pagdating ng araw.

LENI ROBREDO PROCLAMATION RODY DUTERTE SAL PANELO
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with