^

Pagdu-donate ng dugo: Parang nagpapa-change oil lang

DOCTOR’S TOUCH - Dr. Luis Gatmaitan M.D (Pang-masa) - March 14, 2015 - 12:00am

Maaaring nahilingan ka nang mag-donate ng dugo para sa isang kapamilya o kaibigan. Aminin man natin o hindi, takot ang unang pumapasok sa ating isip kapag sinabing kailangang mag-donate tayo ng dugo. Dalawa ang nakikita kong pangunahing dahilan kung bakit nag-aatubili ang marami na mag-donate ng dugo. Una rito ay ang takot sa tusok ng karayom. Pangalawa ay ang kaisipang manghihina sila sapagkat mababawasan sila ng dugo.

Ano nga ba ang totoo?

Totoong may konting kirot sa tusok ng karayom. Pero hanggang sa balat lamang ‘yun. Hustong makapasok ang karayom sa ugat, wala na tayong mararamdamang kirot sapagkat wala namang “pain sensation” sa loob ng ating ugat. Katunayan, mas masakit pa nga ang injection kapag nagbabakuna. Maihahalintulad lamang ang kirot ng tusok sa karayom sa isang mahinang kurot sa balat. Lahat naman ay sadyang takot sa unang pagkakataon na magdu-donate sila ng dugo. Pero matapos maranasan ang pagpapakuha ng dugo, maiisip natin kung bakit nag-atubili pa tayo noong una gayong okey naman pala. At iba ang pakiramdam natin kapag alam nating nakatulong tayong makapagligtas ng buhay ng iba. Napapalitan ang naramdamang takot ng kakaibang fulfillment.

Marami rin ang nag-aakala na nauubusan sila ng dugo at nanghihina kapag nagdu-donate ng dugo. Pero ang totoo, kaunti lamang naman ang kinukuhang dugo sa atin. Kadalasan ay 450 ml lamang (ang 50 ml na karagdagan para maging 500 ml ay anti-coagulant, para hindi mamuo o mag-clot ang dugo). Parang dalawang baso lamang iyon. Hindi totoong mahihilo tayo o mawawalan ng malay dahil nakuhanan tayo ng dugo. 

Katunayan, maganda ang praktis ng regular na pagdo-donate ng dugo kada ikatlong buwan. Ayon kay Ms Marites Estrella, isa sa mga namamahala ng  Blood Program ng  Department of Health (DOH), para lamang daw tayong nagpapa-change oil (kumbaga sa sasakyan) kapag nagdu-donate tayo ng dugo. Dagdag pa niya, tuloy-tuloy lamang ang produksyon ng dugo sa ating bone marrow (ito yung utak ng buto, kung saan nagaganap ang patuloy na produksyon ng mga blood cells). Sabi nga ay mas bago pa at mas aktibo ang mga blood cells na dadaloy sa ating katawan. Mas gaganda rin tuloy ang functions ng iba’t ibang organs sa ating katawan.

May ilan din  na ang palusot ay kesyo anemic daw sila o kulang sa dugo. Hindi tayo dapat mag-alala sapagkat sinusuri muna ang hemoglobin level ng dugo bago pa makapag-donate. Kapag nakitang mababa ang nasabing hemoglobin level, ito’y maaaring dahil puyat lamang o kulang sa pahinga o kulang sa iron intake (mula sa pagkain). Pero pansamantala lamang na hindi ka papayagang mag-donate. Pero kapag naayos na ang hemoglobin level, puwede nang mag-donate ulit.

Dagdag pang palusot ng ilan ay ang kaisipan na “marami naman diyan na nagbibigay ng dugo, bakit ako pa kung puwedeng sila na lang?” Ang totoo, kahit 85 porsyento ng mga adults ay eligible mag-donate, baka 7 porsiyento lamang nito ang totoong nakapagdo-donate (o baka nga mas kaunti pa).  

Hinihikayat ko ang lahat ng ating mga mambabasa na subukang mag-donate ng dugo. Puwede itong gawin kada ikatlong buwan. Bahagi na dapat ito ng ating buhay.  Hindi kailangang magkaroon ng outbreak ng dengue o iba pang sakit bago isiping mag-donate ng dugo. Maraming buhay ang dapat ay naisalba natin kung nagdu-donate lamang tayo ng dugo.

Bawat isa sa atin ay may responsibilidad para sa kapwa. Simulan natin ang palagiang paghahandog ng dugo. Gawin natin itong “way of life.”

 

ATING BLOOD PROGRAM DAGDAG DONATE DUGO LAMANG MAG PERO
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with