^

‘Simula halikan, huli kagatan’

- Tony Calvento (Pang-masa) - September 4, 2014 - 12:00am

ANG kagat ng gigil ay naging kagat ng parang mabangis na aso. Ang mga namulang labi dahil napupog sa halik ay nagkulay ube dahil napatikim ng kamao.

Ganito umano nagbago ang trato ng isang Pulis-Camp Bagong Diwa sa Bicutan sa kanyang misis na isa namang ‘accounting staff’.  “Kinagat niya ko sa batok. Kinagat ko din siya sa likod… nagkagatan kami,” kwento ni ‘Agnes’.

Parehong tubong Cagayan Valley ang mag-asawang si Agnes Casagan at SPO3 Rufino “Raffy” Casagan nakadestino sa Regional Headquarters Security Group (RHSG), NCRPO-Bicutan. “Magkababata kami. Third year college ako ng maging kami ni Raffy…” ani Agnes. Sa mga ‘love letters’ napasagot ni Raffy si Agnes. Maayos ang relasyon nila hanggang maka-‘graduate’ si Raffy ng kursong Electrical Engineering, nagpunta ito sa Maynila para mag-trabaho.

“Nag-eksam din siya sa Philippine National Police (PNP). Bago siya lumuwas ng Maynila nakipaghiwalay ako,” sabi ni Agnes.

Dalawang taon walang komunikasyon ang dalawa. Hanggang isang araw paluwas naman ng Maynila si Agnes. Sinabayan na lang siya ni Raffy sa bus. Hinatid siya sa kanyang ‘boarding house’. Nagligawan ulit sila at nagbalikan. Tumagal muli ng dalawang taon ang relasyon nila.  Wala naman naging problema subalit aminado si Agnes na mahilig  daw sa babae si Raffy. May mga nililigawan pa rin daw ito kahit sila na. Taong 1999, nabuntis si Agnes. Agad silang nagpakasal sa simbahan ng Solana, Cagayan nung ika- 16 ng Hulyo 1999. Police Officer 1 (PO1) pa lang nun si Raffy. Sa Zambales siya nadestino.

Sa Maynila sila nagsama kaya’t dito na din siya nagpadestino. Mula ng magkaanak sila tumino na itong si Raffy at tinuon ang atensyon sa trabaho. Umabot sa tatlo ang kanilang anak. Pitong taon silang kasal ng magsimulang magkaproblema ang kanilang pagsasama. Maaga na itong umalis ng bahay at gabi na kung umuwi.

“Nahuli ko na lang may katext siya si Glenda. Honey pa tawagan nila,” pagbabalik tanaw ni Agnes. Kinumpronta ni Agnes ang mister. Hindi ito umamin subalit tumigil naman daw ito, ayon sa misis. Hunyo 2013, isang taga Amulong, Cagayan ang nagpatulong kay Raffy na makapag-eksam sa PNP.  Siya umano si Laurene Fermin, 23 taong gulang. Sa mga text message umano nahuli ng misis itong pulis at Laurene. Sinabihan niya agad si Raffy na itigil ang namamagitan sa kanila. Desyembre 2013, pinuntahan ni Agnes si Laurene sa bahay nito at nakipag-usap. Umamin umano si Laurene na may relasyon sila ni Raffy. “Panay jogging lang daw sila sa Malacanang Palace. Hanggang kissing scene lang daw sila. Sino maniniwala inuumaga ng uwi asawa ko?!” ani Agnes.

Tumigil naman daw ang mga ito mula buwan ng Enero hanggang Pebrero.

“Para sa’yo ate, para sa mga anak mo iiwasan ko asawa mo…” pangako umano nito kay Agnes. Dumating ang Marso nagsimula daw sila ulit magkita dahil nagpatulong daw ulit  si Laurene sa kanyang aplikasyon sa PNP. Magkatext daw ulit ang dalawa. Todo tanggi daw itong si Raffy. Giit niya wala na sila ni Laurene. Agosto 1, 2014 pagkagaling sa opisina. Naisip ni Agnes na puntahan ang asawa sa kanyang eskwelahan sa Universidad De Manilan kung saan siya kasalukuyang kumukuha ng Law. Palakad pa lang siya sa ‘parking lot’ sa madilim na parte ng eskwelahan nakita ni Agnes ang kanilang putting SUV na Adventure. Sumilip siya at narinig ang musika na nanggagaling sa ‘Stereo’.  Nakita niya sa gitnang bahagi ng sasakyan ang mister. Nakapatong na umano sa noo’y nakahigang si Laurene, ayon kay Agnes. “Naka-lean yung upuan sa likod ng driver seat dun nakahiga yung babae. Nakatakip siya ng malong habang naghahalikan,” ani Agnes. Kinalampag ni Agnes ang salamin ng sasakyan. Agad huminto si Raffy subalit natagalan bago pa daw ito lumabas. Dito na daw  siya sinimulang saktan.

Hinabol niya ang babae subalit nakaiwas ito at sila ni Raffy ang nagtuos. “Pinasok niya ako sa sasakyan… nagalit na siya at pinagsusuntok niya ako, sinabunutan at kinagat sa likod,” –laman ng salaysay na ibinigay ni Agnes kay PO3 Thelma Samudio nung ika-5 ng Agosto 2013 sa Women’s Desk HQS. Base sa Initial Medico Legal Report ni Agnes na isinagawa ni Medico-Legal Officer PCInsp Gracia Catherine Guno, MD nagkaroon ng mga pasa sa mukha at braso, putok sa labi, mga gasgas at marka ng kagat sa likod bandang batok itong si Agnes. Namaga rin ang kanyang kaliwang kamay dahil sa mga suntok dito sa pulis. Sampu-14 days ang healing period ng  kanyang mga sugat. “Sinaktan niya ko, sinaktan ko rin siya… Nagkagatan kami…Wala sanang kagatang mangyayari kung walang kaliwaan,” sabi ni Agnes. Nagsampa ng kasong R.A 9262 o Violence against Women and their Children si Agnes laban sa mister. Maliban dito naisip din ni Agnes na kumuha ng Certificate of No Marriage (CENOMAR) sa Philippine Statistic Authority. Nakakuha siya ng kopya ng marriage certificate ni Raffy kung saan kasal rin siya kay Laurene nung ika-8 ng Hunyo 2014 ginawa ang seremonya sa Blue Mosque and Cultural Center, Maharlika Village, Taguig. Nakalagay din sa kanilang religion na Islam /Reverted. “Wala na daw ako magagawa, Muslim na daw sila’t kasal na,” aniya. Katanungan ni Agnes basta na lang ba nababalewala ang bisa ng kasal nila ni Raffy? Ito ang dahilan ng pagpunta niya sa amin. Itinampok namin siya sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. Ang “HUSTISYA PARA SA LAHAT” ng DWIZ882KHZ(Lunes-Biyernes mula 2:30-4:00PM at Sabado 11:00-12:00NN).

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, sa pakikipanayam namin kay Prosec. Romeo Galvez ng Department of Justice pinaliwanag niyang ‘di basta maaring magpakasal ng pangalawang beses ang isang lalake kahit pa ito’y isang Muslim Wedding. Kinakailangang alam ng unang asawa at may abiso ang pagpapakasal muli sa iba kahit ‘converted’  pa siya sa Islam. Kakailanganin pa nung tinatawaga na ‘posting on notices’ sa iba’t-ibang simbahan.  Hindi mo pwedeng kasangkapanin ang kahit anong relihiyon para paikutin ang batas. Hindi rin pwedeng ngayon sila kumuha ng ‘annulment’ dahil naganap na ang krimen o ang tinatawag na fait accompli. Ang pinamagandang ebidensiya dito ay ang ‘best evidence rule’ kung saan yung dalawang marriage contracts (real evidence) ang maari niyang ipresinta sa korte para naman mas mabigat ang gagawin mo (Res Ipsa Loquitur). (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig. O magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854.  Landline 6387285 / 7104038. O mag-message sa www.facebook.com/tonycalvento

 

 

 

AGNES DAW LAURENE RAFFY SILA SIYA
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with