Gutom, mas lumala pa kaysa noong pandemya - SWS
MANILA, Philippines — Batay sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS) ay tumaas ang bilang ng mga pamilyang Pilipino na nakaranas ng di-boluntaryong gutom sa 22.6 porsyento nitong Setyembre, 2026.
Nalampasan nito ang mga antas na naitala noong kasagsagan ng pandemya ng COVID-19 kasabay nang paglala ng kahirapan.
Ang survey para sa ikatlong kuarter ay nagpapakita ng 2.3 percentage point na pagtaas mula sa 20.3 porsyento noong Hunyo.
Mas mataas din ito sa 20.2 porsyentong pambansang average na naitala noong 2025 at lumampas sa pinakamataas na average na 21.1 porsyento na naitala noong 2020 sa panahon ng mga lockdown dahil sa pandemya.
Tinanong sa survey ang 1,500 adult Pinoy na isinagawa sa buong bansa mula Setyembre 21 hanggang 27.
Sa survey nasa 16.2 percent ng mga pamilya ang nakaranas ng “katamtamang gutom” o kawalan ng pagkain nang minsan o ilang beses sa nakalipas na tatlong buwan.
Habang ang “malubhang gutom” o ang madalas o palaging pagkagutom ay tumaas sa 6.4 porsyento, umakyat ng halos dalawang puntos mula sa 4.5 porsyento noong Hunyo.
- Latest


















