P750 taas-sahod sa mga kasambahay sa Calabarzon, epektibo sa Okt. 26
MANILA, Philippines — Makakatanggap na ang mga kasambahay sa Calabarzon ng P750 na umento sa kanilang buwanang minimum wage, simula sa Oktubre 26.
Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), batay sa Wage Order No. RB-IVA (CALABARZON)-DW-06, sakop ng naturang minimum wage increase ang domestic workers sa Batangas, Cavite, Laguna, Quezon, at Rizal, maging live-in o live-out employees, kasama na ang general house help, yaya, tagaluto, hardinero at labandera.
Hindi naman sakop ng wage order ang family drivers, service providers, at temporary workers.
Anang DOLE, dahil sa karagdagang sahod, aabot na sa P7,500 ang monthly minimum wage ng mga kasambahay sa naturang rehiyon.
Nabatid na nasa 201,000 domestic workers ang inaasahang makikinabang sa naturang umento sa sahod.
Noong Sabado, inianunsiyo ng DOLE na inaprubahan na ang daily minimum wage increase na hanggang P45 para sa mga manggagawa sa Calabarzon.
- Latest




















