Higit P817 million ari-arian ‘di idineklara sa SALN ni VP Duterte – testigo
MANILA, Philippines — Mahigit P817 milyong halaga ng mga ari-arian ang hindi idineklara ni Vice President Sara Duterte sa kaniyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) mula 2022 hanggang 2025.
Ayon ito sa prosecution panel kasunod ng isinagawang direct examination kay financial forensic analyst Atty. Alexander Cabrera bandang alas-6:25 ng gabi noong Biyernes sa impeachment trial bilang bahagi ng Article II o ang “unexplained wealth” na nililitis sa Senado.
Sa paglalahad ni Cabrera sa Senate impeachment court, kabilang sa nasabing halaga ang mahigit P207.6-milyong cash na nasa iba’t ibang bank accounts ni VP Duterte at mister nitong si Atty. Manases Carpio gayundin ang kanilang joint accounts.
Sa ika-37 araw ng paglilitis, tinanong ni public prosecutor at Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno si Cabrera tungkol sa hindi idineklarang cash assets ni Duterte mula 2022 hanggang 2025.
Base sa mga ipinakita ni Cabrera, ito ay kinabibilangan ng P60,214,776 noong 2022; P80,701,151 noong 2023;P23,169,177 noong 2024 at P43,611,929 noong 2025 o nasa kabuuang P207,696,033.
Ipinaliwanag ni Cabrera na ikinumpara nila ang cash na idineklara sa SALN ni VP Duterte sa year-end balances ng mga bank accounts nito at ni Carpio at kanilang joint account.
Maliban sa mga cash, nakita ni Cabrera na may mga bank accounts na P817,874,867 kabuuang halaga ang mga hindi umano idineklarang ari-arian ng Bise Presidente na kinabibilangan ng P190.6 milyon noong 2022, P167.3 milyon noong 2023, P264.2 milyon noong 2024, at P195.6 milyon noong 2025.
- Latest



















