Hog farmers sumulat kay Pangulong Marcos, P22.5 bilyon na pagkalugi nakaamba
MANILA, Philippines — Lumiham na ang iba’t ibang grupo ng magbababoy sa bansa kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at hiniling na agarang umaksyon at sagipin ang lokal na industriya ng baboy dahil sa matinding pagkalugi dulot ng pagdagsa ng imported port at mababang farmgate prices.
Sa liham na may petsang Oktubre 8, 2026, hiniling sa Pangulorcos ng Pork Producers Federation of the Philippines Inc. (PPFPI), Philippine Pork Council Alliance Inc. at mga kaalyadong grupo sa agrikultura ang agarang pagpapatupad ng mga hakbang upang maprotektahan ang lokal na mga magbababoy at matiyak ang kaligtasan ng mga mamimili.
Sumulat din si AGAP Party-list Rep. Nicanor M. Briones kina Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., at Bureau of Customs (BOC) Commissioner Ariel F. Nepomuceno noong Oktubre 2 at hiniling na agarang ipatupad ang mas mataas na taripa, limitasyon sa importasyon, mahigpit na inspeksiyon sa imported pork offals at MDM, at ang paglalagay sa mga ito sa red lane upang matukoy ang posibleng technical smuggling kabilang ang posibleng maling deklarasyon at undervaluation ng mga inaangkat na produkto.
Ayon sa mga liham, bumagsak sa P130-P140 kada kilo ang farmgate price ng baboy, kumpara sa production cost na P180-P190 kada kilo. Dahil dito, nalulugi ang mga magbababoy ng hindi bababa sa P50 kada kilo o P5,000 sa bawat 100-kilogramong buhay na baboy. Tinatayang aabot sa P250 milyon kada araw ang pagkalugi ng sektor o P22.5 bilyon sa loob ng 90 araw.
Sa datos ng Bureau of Animal Industry (BAI), nasa 851 milyong kilo ang pork imports noong 2025 at inaasahang aabot sa 939 milyong kilo pagsapit ng katapusan ng 2026 kung magpapatuloy ang kasalukuyang takbo.
Iminungkahi ng mga magbababoy na ibalik sa 30% ang taripa sa in-quota pork imports at 40% sa out-quota imports, at ipatupad ang limitasyon sa dami ng inaangkat na baboy sa loob ng hanggang 200 araw simula Oktubre 2026.
- Latest



















