Droga sa Laos at Thailand, wala pa patunay na para sa Pinas
MANILA, Philippines — Wala pang sapat na ebidensya o direktang patunay ang Philippine National Police (PNP) na ang mga nasabat na ilegal na droga sa Laos at Thailand ay tuwirang nakalaan o ibinabagsak sa Pilipinas.
Sinabi ni PNP Public Information Office chief PCol. Allen Rae Co na nakikipag-ugnayan ang mga otoridad sa kanilang mga katapat sa ibang bansa upang matukoy ang tunay na destinasyon ng mga nakumpiskang droga at kung may mga Pilipinong sangkot sa mga insidente.
Batay sa paunang impormasyong natanggap ng PNP, isang private jet na pag-aari umano ng isang Malaysian ang lumapag sa Laos, kung saan isinakay ang mga drogang sinasabing patungo sa Pilipinas. Gayunman, wala pang naipapakitang dokumento o matibay na ebidensyang magpapatunay sa naturang alegasyon.
Katuwang ng PNP sa imbestigasyon ang Police Drug Enforcement Group (PDEG), mga lokal na pulisya at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Sinusuri rin ang mga flight plan, cargo manifest, at iba pang rekord upang matukoy ang aktuwal na ruta at destinasyon ng mga kargamento, kabilang ang mga drogang nasabat sa Thailand na umano’y isinakay sa mga sasakyang pandagat.
Binigyang-diin ni Co na maaga pang magkonklusyon hangga’t walang sapat na ebidensya na magpapatunay sa mga alegasyon. Patuloy aniya ang pagbabantay ng PNP sa mga international drug syndicate at ang pagsasagawa ng mga intelligence-driven operation upang matukoy at mapigilan ang mga tangkang magpasok ng ilegal na droga sa bansa.
- Latest



















