CCG hinarang ang PCG na naglilikas sa may sakit na PN sa Ayungin

MANILA, Philippines — Halos umabot ng 10 oras ang pagkaantala ng Philippine Coast Guard bago matagumpay na nailikas ang isang tauhan ng Philippine Navy na nagkasakit habang nakatalaga sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal dahil sa umano’y panghaharang ng China Coast Guard (CCG) at paggamit ng water cannon na nagpaantala sa misyon.
Ayon sa PCG, ipinadala nito ang BRP Cabra mula sa Lawak Island upang sunduin ang maysakit na sundalo, alas-7:30 ng umaga.
Nasa posisyong humigit-kumulang siyam na nautical miles sa hilaga ng Ayungin Shoal ang barko nang magsagawa umano ng mapanganib na maniobra ang CCG vessel 5306 at gumamit ng water cannon.
Sinabi ng PCG na patuloy na lumapit ang barkong Tsino mula sa layong 1.3 nautical miles hanggang humigit-kumulang 400 yarda mula sa BRP Cabra, sa umano’y pagtatangkang itaboy ito palayo sa bahura at nagpatuloy umano ang panghaharang hanggang hapon.
Bandang, alas-3:15 ng hapon ay nailipat nang ligtas ang pasyente at kasama nito sa isang PCG rigid-hull inflatable boat (RHIB) at nakarating sa BRP Cabra bago mag-alas-5:00 ng hapon.
Ayon sa PCG, karaniwang ilang oras lamang ang ganitong medical evacuation, ngunit umabot umano nang halos 10 oras dahil sa paggamit ng water cannon, panghaharang at mapanganib na maniobra ng CCG.
Nanawagan si PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan sa China Coast Guard na igalang ang makataong layunin ng mga medical evacuation mission.
- Latest




















