NBI: 2 ‘cash houses’ konektado sa mag-asawang Velasco
MANILA, Philippines — Positibong na-validate at naitaguyod ng National Bureau of Investigation (NBI) na pagmamay-ari ng mag-asawang dating House Speaker Lord Allan Velasco at Rowena Velasco ang dalawa sa pitong umano’y “cash houses” sa Pasig City.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, kabilang sa mga natukoy ang dalawang bahay sa Champaca Street at Sampaguita Street sa Valle Verde 2.
Ang bahay sa Champaca St., ay nakarehistro sa Eagle Assets and Realty Inc., kung saan si Rowena Velasco ang nakalista bilang presidente.
Ang sa Sampaguita St. naman ay nakapangalan sa isang personal staff ni Rowena at ginamit ding address sa SEC registration ng kumpanya.
Ang mga naturang ari-arian ay kabilang sa mga hinalughog ng NBI noong Agosto 24 dahil sa ulat ng mga iligal na mataas na uri ng baril (high-powered firearms), bago pa man lumutang ang mga alegasyon ukol sa pag-iimbak ng pera.
Ang mga address na ito ay tumugma sa isinumiteng affidavit ng nagpakilalang dating security aide at dismissed police officer na si Rodulfo Gracioso Jr., na nag-aakusang ginamit ang mga bahay bilang imbakan ng pondo at nagdeliber ng malalaking halaga ng pera sa ilang matataas na opisyal. Iniimbestigahan din ng NBI ang mga bahagi at shares ng mag-asawa sa Sara Resort and Cabanas at Amara Resort & Villas sa Marinduque matapos ding ituro ni Gracioso.
Matatandaang sinabi ni Gracioso na nakapagdeliber siya ng mahigit P2 bilyon kay Vice President Sara Duterte, P1 bilyon kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, at P100 milyon kay Davao City first district Rep. Paolo Duterte sa utos umano ni Velasco.
- Latest


















