‘No subpoena’ kay Trillanes, ‘di lang desisyon ni Chiz – Lacson
MANILA, Philippines — Nilinaw ni Senator-Judge Panfilo “Ping” Lacson na hindi lang desisyon ni impeachment presiding officer Chiz Escudero ang hindi pag-subpoena kay dating Senador Antonio Trillanes.
Sa post ni Lacson sa X, giniit nito na hindi niya ipinagtatangol ang impeachment court subalit kailangang malaman ng publiko na hindi lang desisyon ni Escudero ang hindi pag-subpoena kay Trillanes.
Matatandaan na bagama’t nakalista si Trillanes bilang witness sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, ay binawi ito ng house prosecution panel dahil na rin sa kahilingan ng dating Senador na huwag na siyang isama bilang testigo at sa halip ay nagpatawag na lamang siya ng press conference nitong Biyernes.
“In fairness to former Sen. Sonny Trillanes, masustansiya ang kanyang research. The main issue is, its evidentiary value for prosecutorial purposes due to his apparent lack of personal knowledge,”pahayag ni Lacson.
Samantala, sinabi ni impeachment court spokesperson Regie Tongol na ang prosecution mismo ang hindi nakapagbigay ng pangalan ni Trillanes sa itinakdang oras para sa pagpapalabas ng subpoena. Gayunman, nilinaw niyang maaari pa ring dumalo si Trillanes sa impeachment court bilang isang boluntaryong saksi kahit walang subpoena.
- Latest



















