^

Police Metro

Mosyon ni VP Sara na pa-inhibit QC judge, ibinasura

Angie dela Cruz - Pang-masa
Mosyon ni VP Sara na pa-inhibit QC judge, ibinasura
Philippine Vice President Sara Duterte (L) walks with one of her lawyers Paul Lim (R) as she arrives at a court building to post bail in Quezon City suburban Manila on September 5, 2026, after a warrant of arrest was issued. A Philippine court on September 4 issued an arrest warrant for Vice President Sara Duterte over an alleged death threat against the country's president, with her defence team saying she would "exercise all her legal remedies".
AFP / Ted Aljibe

MANILA, Philippines — Ibinasura ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 98 ang mosyon ni Vice President Sara Duterte na mag-inhibit o kusang umatras sa kanyang grave threats cases si Presiding Judge Maria Angelica De Ramos.

Ayon sa kautusan ng korte na may petsang Setyembre 14, 2026, ibinasura ang hirit ni Duterte dahil sa kakulangan ng merito upang kuwestiyunin ang pagiging patas ng hukom at walang malinaw at kapani-paniwalang ebidensya ng aktuwal na bias o prejudgment.

Inihain ni Duterte ang motion for inhibition noong Setyembre 10, kung saan iginiit niyang tila tinulungan umano ng korte ang prosekusyon nang atasan itong magsumite ng digital evidence na hindi kasama sa unang isinumite nito.

Iginiit ni Duterte na magiging malaking pagkukulang ang hindi pagsama ng digital evidence dahil ang alegasyon ng prosekusyon na grave threats na ginawa sa pamamagitan ng live streaming services ay mawawalan umano ng batayan sa ebidensya.

Bukod dito, sinabi ni Duterte na dapat mag-inhibit ang hukom dahil siya at ang kanyang anak ay kapwa itinalaga ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na political opponent ni Duterte.

Sinabi naman ng prosekusyon na ang mga dahilang inilahad para sa inhibition o recusal ay nag-ugat lamang sa hindi pabor na desisyon ng korte.

Una namang walang pagtutol si Duterte sa pagkakatalaga ng kanyang kaso sa nasabing korte.

Iginiit din ng prosekusyon na hindi maituturing na pagtulong ang direktiba ng korte na magsumite ng digital evidence.

Sinabi naman ng abogado ni Duterte na si  Atty. Paul Lawrence Lim na gagamitin nila ang lahat ng legal na remedyo matapos ibasura ng korte ang kanilang mosyon.

Nahaharap si Duterte ng tatlong counts ng kasong grave threats matapos magbantang ipapatay sina Pangulong Marcos, First Lady Liza Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez.

SARA DUTERTE

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with