BOC officials at tauhan na sangkot sa korapsyon sibakin na

MANILA, Philippines — “Paigtingin ang hakbang para malinis ang ahensya partikular ang intelligence arm nito-ang Customs Intelligence and Investigation Service o CIIS”.
Ito ang naging panawagan ni Senator JV Ejercito kay Bureau of Customs Commissioner Ariel Nepomuceno na kung saan ay dapat alisin na sa pwesto ang mga opisyal at tauhan na sangkot sa korapsyon at pang aabuso.
Ayon kay Ejercito na sa tingin niya ay maraming nagsasamantala sa paligid ni Nepomuceno kabilang ang mga direktor, deputy commissioners at maging opisina gaya ng CIIS.
Kadalasan aniyang nagiging problema kung masyadong maluwag ang pinuno ng ahensya na sinasamantala naman ng kaniyang mga tauhan.
Ginawa ng senador ang panawagan kasunod ng kontrobersiya sa raid ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) sa isang warehouse sa Bulacan na umano ay imbakan ng mga smuggled na sigarilyo.
Lalo pang lumala ang isyu nang matuklasang tinangka umano ng dalawang BOC personnel na ibenta ang mga nakumpiskang puslit na yosi na dapat sana ay wawasakin na.
Nang unang lumutang ang pangalan ng mga sangkot na tauhan ay itinanggi ni Nepomuceno na kilala niya o pamilyar ang mga ito, subalit mayroong naunang inilabas na BOC memorandum at nakasaad ang pangalan ng dalawang sangkot na tauhan na siyang gumawa ng incident report sa nangyaring raid.
- Latest





















