Pulis, 5 pa inaresto sa pagnanakaw ng kable ng PLDT
MANILA, Philippines — Inaresto ng mga otoridad ang anim na katao kabilang ang isang aktibong pulis sa pagnanakaw ng kable ng isang kumpanya ng telepono sa Sampaloc, Maynila, kamakalawa.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas “June,” 42, aktibong pulis na nakatalaga sa MPD-Sta. Mesa Police Station 8 na may ranggong Police Master Sergeant; “Mitch,” 33; “Jay,” 41, kapwa scavenger; “Angel,” 29; “Jess,” 38, construction worker; at “Rey,” 36, technician, pawang residente ng Sampaloc.
Batay sa ulat ng Sampaloc Police Station 4 ng Manila Police District (MPD), alas-2:05 ng madaling araw nang maaresto ang mga suspek sa Buenos Aires, malapit sa kanto ng Pelaez St., Sampaloc.
Sila ay inaresto base sa reklamo ng PLDT, na kinatawan ng kanilang security responder.
Nauna rito, nakarating sa mga otoridad ang reklamo matapos na mag-viral ang isang CCTV footage na iniere ng TV5 Frontline Pilipinas hinggil sa pagnanakaw ng kable ng PLDT sa Domingo Santiago St., kanto ng Mindanao Ave., Sampaloc.
Sa isinagawang balidasyon sa barangay, natukoy ng mga pulis ang pagkakakilanlan ng dalawa sa mga suspek at natukoy din ang kinaroroonan.
Agad inaresto ng mga pulis ang tatlo sa kanila habang aktong sinusunog ang mga ninakaw na cable wires ng PLDT.
Kalaunan ay itinuro ng mga ito ang iba pang kasabwat sa ilegal na aktibidad, na ikinaaresto rin ng mga ito.
Sa isinagawang beripikasyon, natukoy ng MPD na isa sa mga naarestong suspek ay aktibo ring tauhan ng pulisya.
Ang mga suspek na nakapiit na ay kinasuhan ng paglabag sa Republic Act 10515 o The Anti Cable Television and Cable Internet Tapping Act of 2013.
- Latest























