Walang secret funds na ibinigay ang DepEd sa AFP youth program - Poa
MANILA, Philippines — “Walang confidential funds ng DepEd na ibinigay sa Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa Youth Leadership Summits (YLS) na binanggit sa mga sertipikasyong isinumite ng militar sa Commission on Audit (COA).”
Ito ang pag-amin ni dating Department of Education (DepEd) Undersecretary Michael Wesley Poa sa kanyang pagharap bilang hostile witness sa ika-21 araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Pinakumpirma ni private prosecutor Benjamin Tolosa Jr. kay Poa na walang confidential funds ng DepEd na ibinigay sa AFP para sa YLS, sumagot si Poa: “Yes, sir. I confirm that.”
Sa mga naunang pahayag nina Army officers Col. Manaros Boransing II at Col. Magtangol Panopio, sinabi nila na ang YLS ay isang regular na aktibidad ng militar at walang natanggap na confidential funds mula sa DepEd ang kanilang mga yunit para sa mga aktibidad pero naglabas sila ng sertipikasyon na naganap ito.
Naalala rin ni Poa na sinabi ng mga opisyal ng AFP na hindi nila alam nang inilabas nila ang mga sertipikasyon, na gagamitin ang mga ito kalaunan kaugnay ng liquidation ng confidential funds ng DepEd.
“I remember them saying that, sir,” testimonya ni Poa.
Naalala rin niya na ipinaliwanag ng isa o dalawa sa mga opisyal ng militar na ang naturang mga sertipikasyon ay karaniwang ibinibigay sa mga ahensyang lumalahok sa YLS.
Pagkatapos ay tinanong ng prosekusyon kung bakit ginamit ang mga sertipikasyon ng AFP upang suportahan ang tugon ng DepEd sa isang Audit Observation Memorandum (AOM) hinggil sa mga reward na umano’y ibinayad sa mga confidential informants.
Nagpatotoo si Poa na ang kanyang interpretasyon noon ay nakatulong umano sa militar ang impormasyong nakalap ng DepEd sa pamamagitan ng pagbabayad ng reward upang matukoy ang mga lugar para sa kanilang mga aktibidad.
Pero, paulit-ulit din niyang inamin na wala siyang personal na kaalaman kung ito nga ang tunay na nangyari.
Ngunit sa ilalim ng pagtatanong, inamin ni Poa na wala siyang personal na kaalaman kung anong partikular na impormasyon ang ibinigay ng mga informants o kung ang impormasyong iyon nga ang direktang nagbunga sa mga aktibidad ng AFP na binanggit sa mga sertipikasyon.
- Latest




















