Toll free sa NLEX Pulilan-San Fernando, simula na
MANILA, Philippines — Epektibo na simula nitong Miyerkules ang libreng toll para sa mga sasakyan na manggagaling sa Pulilan,Bulacan hanggang San Fernando, Pampanga at vice versa.
Ito’y bilang tugon ng pamahalaan sa matinding traffic na nararanasan sa bahagi ng North Luzon Expressway (NLEX) dahil sa pagbaha sa Tulaoc Bridge sa San Simon, Pampanga.
Personal at agaran umanong nakipag-ugnayan si Transportation Secretary Banoy Lopez kay NLEX Corporation President Luis Reñon, upang ilibre ang toll fee mula Pulilan-San Fernando, at San Fernando-Pulilan para sa lahat ng sasakyan.
Nabatid na nasa P113 ang regular na toll para sa Class 1 vehicles na dadaan ng Pulilan-San Fernando, habang P281 naman ang Class 2 at P338 ang Class 3.
Anang DOTr, magpapatuloy ang libreng toll hanggang sa bumalik sa normal ang sitwasyon sa NLEX.
Ipinag-utos na rin ng DOTr at Toll Regulatory Board (TRB) sa NLEX Corp. na magbigay ng pagkain at tubig, at magtayo ng mga portalet para sa mga motoristang naiipit sa mabigat na daloy ng trapiko sa lugar.
- Latest




















