Armadong kelot nagwala, nanuntok sa Baclaran church
MANILA, Philippines — Isang 30-anyos na lalaking may bitbit na paltik o isang homemade firearm ang inaresto ng mga otoridad dahil sa ginawa nitong pagwawala at panununtok sa loob ng Redemptorist Baclaran Church sa Parañaque City noong Linggo ng hapon, Agosto 30.
Kinilala ng pulisya ang suspek na si alyas “Jenevie,” isang helper na residente ng Imus City, Cavite, na nakuhanan ng isang kalibre .38 na revolver na may lamang isang bala.
Sa ulat, alas-4:40 ng hapon nang magsimula ang komosyon sa compound ng simbahan sa Barangay Baclaran.
Napansin ng duty security guard ang kakaibang kilos ng lasing na suspek kaya nilapitan at pinalalabas ng compound, subalit sa halip na umalis ay sinuntok ang sekyu.
Umalalay ang mga taong nagsisimba upang pigilan ang suspek at mabilis na nakaresponde ang mga pulis at naareso ito.
Nakumpiska sa suspek ang isang kalibre .38 na “paltik” revolver na may kargang isang bala.
Nilinaw ng simbahan na walang pamamaril na naganap sa loob ng dambana, taliwas sa mga kumakalat na ulat.
Inihahanda na ng pulisya ang pagsasampa ng mga kasong alarm and scandal, resistance and disobedience to an agent of a person in authority, at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act laban sa suspek.
- Latest



















