VP Duterte nagsampa ng ika-2 perjury complaint vs Madriaga
MANILA, Philippines — Naghain kahapon ng ikalawang reklamong perjury si Vice President Sara Duterte laban kay Ramil Madriaga kaugnay ng supplemental affidavit nito na may petsang Abril 11, 2026.
Ayon sa legal counsel ng bise presidente na si Salvador Paolo Panelo Jr., inihain ang reklamo nitong Agosto 17 sa Office of the City Prosecutor of Taguig.
Ang reklamo ay nakabatas sa Article 183 ng Revised Penal Code, na tumutukoy sa perjury o pagsisinungaling sa ilalim ng panunumpa.
Idinagdag pa ni Panelo, ang reklamo na binubuo ng humigit-kumulang 1,000 pahina ay naglalantad sa “malicious and deliberate falsehoods” ni Madriaga gayundin ang mga sinumpaang testimonya ng pangalawang pangulo at 12 corroborating witnesses, mga opisyal na dokumento at sertipikasyon ng gobyerno at iba pang opisyal.
Kasama rin umano sa isinumiteng reklamo ang mga mensahe, litrato, at public records na sinasabing magpapatibay sa panig ng Bise presidente.
Iginiit ni Panelo na hindi na sana kinakailangan ang ganoon kalawak na paghahanda dahil aniya, “absurd and unverifiable” ang mga alegasyon ni Madriaga at agad na bumagsak sa pagsusuri ang mga detalyeng inilahad at ilan sa umano’y ebidensiya nito.
Gayunman, sinabi ng abogado na kinailangan nilang magsagawa ng masusing paghahain upang matiyak na mapapanagot si Madriaga sa ilalim ng batas.
Si Madriaga ay nagpakilalang dating “bagman” umano ni Duterte at noong nakaraang Marso isinampa ni Duterte ang unang reklamong perjury laban sa una.
- Latest





















