Wala ng confidential at intelligence funds ang non-enforcement government agencies – Gatchalian
MANILA, Philippines — Siniguro ni Senate President Sherwin Gatchalian na mahigpit na ipatutupad ng Senado ang polisiya na walang confidential at intelligence funds para sa mga non-enforcement government agencies.
Ito ay upang maiwasan ang pag-uulit o posibleng pang-aabuso sa paggamit ng mga pondong ito sa panukalang P7.2-trilyong pambansang budget para sa 2027.
Ayon kay Gatchalian na bilang panuntunan, kung hindi isang enforcement agency o Armed Forces o ahensyang may uniformed personnel ay hindi dapat magkaroon ng access sa confidential at intelligence funds (CFIs).
“Hindi lamang OVP at DepEd kundi pati ang iba pang civilian agencies. Bilang panuntunan, hindi natin papayagang mabigyan sila ng confidential funds. Pero kung igigiit nila at sasabihing talagang kailangan nila ito, kailangan nilang ipaliwanag at bigyang-katwiran nang mabuti ang kanilang pangangailangan at susuriin nating mabuti ang kanilang request,” wika ni Gatchalian.
Sinabi ng Senate chief na pinapayagang magkaroon ng CIFs ang mga ahensyang gaya ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at National Bureau of Investigation (NBI) dahil mga enforcement at intelligence agency ang mga ito.
Sinabi rin niya na dapat magkaroon ng CIFs ang Office of the President dahil taglay ng Pangulo ang parehong civilian at enforcement authority.
Ang Pangulo rin aniya ang pinuno ng military personnel—ang Commander-in-Chief ng Armed Forces kaya nangangailangan ang Pangulo ng intelligence at confidential funds, dahil siya ang pinakamataas na pinuno ng lahat ng military at uniformed personnel.
Sa kasalukuyan, sinusuri ng Senate Impeachment Court ang alegasyon ng maling paggamit ni Vice President Sara Duterte ng CIFs para sa OVP at DepEd, na noon ay nasa ilalim ng kanyang pamamahala.
- Latest





















