2 ‘utak’ sa tinodas na pro-Marcos vlogger tukoy na
Tukoy na ng pulisya ang dalawang utak sa umanoy pagpatay sa pro-Marcos vlogger na si Alicia “Mima Alicia” Lipata dahil sa utang na P8 milyon at personal na away.
Ito ang inihayag ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., at lumalabas sa kanilang imbestigasyon ay tukoy na rin ang dalawang mastermind na isang negosyante at kasosyo sa negosyo.
Napag-alaman na nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan si Lipata at ang dalawang “utak” dahil sa umano’y utang na P8 milyon ni Lipata.
Ang dalawang mastermind ay kinilala umano ng dalawang naarestong suspek.
Tumanggi si Nartatez na pangalanan ang dalawang utak dahil patuloy pa ang imbestigasyon.
Aniya, bagama’t pinaghahanap pa ang dalawang utak ay sinampahan na ang mga ito ng kaso.
Magugunita na si Lipata ay binaril ng riding-in-tandem suspek sa harap ng kanyang bahay sa Caloocan City noong madaling araw ng Hulyo 17.
Naaresto naman noong Hulyo 23 sa Mabalacat City, Pampanga ang dalawang umano’y gunman na sangkot sa pagpatay.
- Latest


















