Palasyo pinalagan ang pahayag ni Imee sa INC rally
MANILA, Philippines — Kinondena ng Palasyo ang naging pahayag ni Sen. Imee Marcos sa Iglesia ni Cristo (INC) rally na “bangag” at “lasing sa kapangyarihan” ang Marcos administration.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) undersecretary Claire Castro, personal nilang napanood ang pagsasalita at pagtatalumpati ni Senador Imee.
Paliwanag ni Castro, bilang ang PCO ay kumakalaban at lumalaban sa fake news, ang mga salitang binitiwan ng Senadora ay magpapaigting ng galit sa gobyerno at paninira sa pangulo.
Nakakaawa rin aniya ang mga obstructionist na tulad ni Senadora Imee na umaasa lamang sa fake news para makapanira lamang at maikalat ang mga ganitong klaseng maling impormasyon.
“Mas nakakaawa ang mga taong pumapalakpak habang nakikinig kay Sen. Imee Marcos dahil malamang hindi nila alam na ang mga sinasabi ni Sen. Imee ay mga kuwentong walang basehan,” wika ni Castro.
Tanong pa ni Castro, bakit masigasig ngayon ang kapatid ng pangulo na manira sa gobyerno gayung noong 2019 ay senadora na siya at 2016 ay gobernadora na at bakit hindi niya pinuna ang pag-amin ni dating pangulong Rodrigo Duterte na gumagamit ito ng ilegal na droga.
Naniniwala ito na ang lahat ng paninira ni Senadora Imee ay may bahid ng politika dahil alam naman ng lahat kung sino ang pinagtatanggol nito at para hindi mailagay sa paglilitis na ang tinutukoy ay si Vice President Sara Duterte.
- Latest



















