Panggigipit ng China kay Teodoro kinondena ng Makabayang grupo
MANILA, Philippines — Mariing kinondena ng ilang makabayang grupo ang panggigipit ng China government kay Defense Secretary Gilbert “Gibo” Teodoro sa tangkang pigilan ang pagtatanggol sa interes ng Pilipinas.
Naniniwala si Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at ng Filipinos Do Not Yield Movement (FDNY), na ang hakbang ng China ay mensahe na itigil ang paglaban sa soberanya ng bansa.
“Ang mga sanksyong ito ay hindi talaga tungkol kay Secretary Teodoro. Isa itong mensaheng ipinadadala sa bawat Pilipinong naniniwalang dapat ipaglaban ang ating soberanya, at isa itong mensaheng hindi dapat palampasin o balewalain,” ani Goitia.
Aniya, walang ibang ginawa si Teodoro kundi ang matatag na panindigan kung ano ang nararapat sa Pilipinas sa ilalim ng internasyonal na batas na hindi pang-uudyok kundi pagmamahal sa bayan.
Nagpahayag din ng pagkabahala si Goitia sa mga ulat na nananatili pa rin sa loob ng lagoon ng Bajo de Masinloc ang isang lumulutang na istrakturang Tsino sa kabila ng paulit-ulit na diplomatikong protesta ng Pilipinas.
Nanawagan ito na manatili sa paninindigan dahil mas mahirap na ipagtanggol ito sa hinaharap.
- Latest




















