10 terorista patay sa engkuwentro
MANILA, Philippines — Sampung miyembro ng Dawlah Islamiyah-Maute Group ang napatay nang maka-engkuwentro ang militar at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Brgy. Banga Pantar, Marantao, Lanao del Sur nitong Biyernes ng madaling araw.
Kabilang sa mga nasawi ay sina Amerol Mangoranca alyas Usman, ang sinasabing Amir/Leader ng DI-Maute Group; Benjie Amir alyas Muslih/Benjie, ang Sub-leader.
Ang nasabing grupo ay sangkot umano sa mga karahasan sa rehiyon, kabilang ang ambush sa mga tropa sa Lanao del Norte na nagresulta sa pagkasawi ng apat na sundalo at pagkasugat ng isang personnel.
Narekober sa lugar ang limang baril, isang granada, at mga improvised explosive device.
Bukod dito, nasagip din ang isang sugatang sanggol na nasa isang taong gulang na agad binigyan ng atensyong medikal. Wala namang nasawi sa panig ng gobyerno.
Sa ulat, isisilbi ng mga tropa ng pamahalaan ang warrant of arrest kay Mangoranca ngunit bago pa man sila nakalapit sa hideout sa nasabing lugar ay agad na silang pinaputukan.
Gumanti ng putok ang tropa ng pamahalaan at agad nasawi si Mangoranca at 9 niyang tauhan kabilang ang apat na babae.
Nabatid na ang mga nasawing terorista ay wanted sa mga kasong multiple murder, multiple frustrated murder, armed robbery, arson, extortion at trafficking of narcotics, na nakabinbin sa iba’t ibang mga korte sa Lanao del Sur sa Bangsamoro Region at sa mga bayan sa Lanao del Norte at sa Iligan City na sakop ng Region 10.
Nakumpiska sa lugar ang dalawang M16 rifles, isang M14 rifle, isang .30 caliber M1 Garand, isang .38 caliber revolver, isang fragmentation grenade at mga components ng improvised explosive devices sa tabi ng mga bangkay ng mga terorista.
- Latest


















