Madugong Biyernes Santo: 2 pulis, BuCor officer todas sa shootout!
MANILA, Philippines — Dalawang pulis at isang tauhan ng Bureau of Corrections (BuCor) ang patay matapos sumiklab ang shootout sa Brgy. Irawan, Puerto Princesa City, Palawan noong Biyernes Santo ng gabi.
Kinilala ang mga nasawi na sina Police Staff Sergeants Ryan Cris Cabaña at Jayson Fernandez; pawang kasapi ng Police Station 2 (PS2) ng Puerto Princesa City Police, at BuCor officer na si Jerson Ojario Talon.
Sa report ni Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) Director P/Colonel Cristine Tabdi, nangyari ang insidente malapit sa isang bahay na may naglalamay sa burol ng isang patay sa Zone 13 ng nasabing lugar bandang alas-9:40 ng gabi.
Isang concerned citizen ang nag-report sa himpilan ng pulisya hinggil sa nagaganap na barilan sa nasabing lugar sa pagitan ng tatlong biktima at ng mga armadong lalaki dakong alas-10:16 ng gabi.
Nagresponde ang mga awtoridad alas-10:30 at dito’y inabutan na pawang nakabulagta na at wala nang buhay ang tatlong lalaki.
Bineberipika ng mga imbestigador ang ulat ng mga residente at opisyal ng barangay na nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng dalawang pulis na sina Cabaña, kasamang si Fernandez, at si Talon, na humantong sa kanilang putukan na nagresulta sa kanilang agarang pagkamatay.
Kumalat din ang isa pang impormasyon sa komunidad na habang nag-uusap ang mga biktima malapit sa lamayan nang sumulpot ang hindi pa kilalang salarin at pinagbabaril sila bago tumakas.
Ayon kay Brig. Gen. Jovencio Badua Jr, Mimaropa regional director, isang Special Investigation Task Group na ang nilikha na siyang tututok sa malalimang imbestigasyon sa insidente.
- Latest



















