Bulkang Mayon, patuloy sa pagluwa ng lava
MANILA, Philippines — Patuloy ang pagluwa ng lava ng bulkang Mayon sa Albay na dumaloy sa mga dalisdis ng bulkan sa may Basud na may 3.8 kilometro gayundin sa Bonga na may 1.6 kilometro at sa Misi gullies na may 1,3 kilometro sa nakalipas na 24 oras.
Base sa pagsubaybay ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa bulkang Mayon, nagtala rin sila ng apat na volcanic earthquakes at 407 rockfall events at apat na pyroclastic density current signals o uson.
Nakikita rin ang Crater glow sa bunganga ng bulkan habang nagluwa ito ng 3,739 tonelada ng asupre at nagkaroon ng katamtamang pagsingaw na napadpad sa kanluran-timog-kanluran at pamamaga ng bulkan.
Dulot nito, patuloy na ipinagbabawal ng Phivolcs ang pagpasok ng publiko sa anim na kilometrong (6 km) radius Permanent Danger Zone at paglipad ng anumang uri ng aircraft sa ibabaw ng bulkan dahil sa banta ng pagguho ng bato, pagtilamsik ng ng mga tipak ng lava o bato, pag-agos ng lava, uson, katamtamang pagputok at pag-agos ng lahar kung may matinding pag-ulan sa paligid ng bulkan.
Nananatiling nasa ilalim ng alert level 3 ang Mt. Mayon na ibig sabihin ay may mataas na aktibidad.
- Latest




















