Trader kinidnap ng pinsan na ex-pulis, 2 pa
MANILA, Philippines — Nailigtas ng Nueva Ecija Police Provincial Office (NEPPO) ang isang 59-anyos na lalaking negosyante nang kidnapin ng kanyang pinsan na dating pulis at dalawang kasama nito sa isinagawang rescue operation sa Cabanatuan City.
Batay sa ulat, alas-7:25 ng umaga nang puwersahan tangayin ng tatlong suspek ang biktima na nagmamay-ari ng isang kilalang appliance store sa lalawigan sa kanyang warehouse sa Bgy. Kap. Pepe, Cabanatuan City.
Ginamit ng mga suspek ang pulang pick-up ng negosyante at pagkatapos ay nanghihingi ng P5-milyon na ransom mula sa pamilya ng biktima.
Sa pagtakas ng mga suspek patungong Brgy. Bakod Bayan, Cabanatuan City ay nakasagasa ang mga ito ng dalawang sibilyan kaya pinagbabato ito ng mga residente.
Nagsagawa ng rescue operation ang mga otoridad at nailigtas ang biktima sa Amorville, Purok 1, Brgy. Bakod Bayan at ang sasakyang tinangay ay nabawi sa Sitio Hacienda, Purok 2, ng naturang barangay.
Dito ay naaresto, alas-5:52 ng hapon ang 49-anyos na AWOL na pulis na pinsan ng biktima at residente ng Sitio Daang Bakal, Brgy. San Juan, San Miguel, Bulacan habang tinatangkang ibenta ang cellphone ng biktima na lingid sa kanyang kaalaman ay may tracking app.
Nadakma rin sa follow-up operations ang dalawang kasama nito na isang 34-anyos ng Brgy. Barrera, Cabanatuan City, at isang 27-anyos ng Palayan City, Nueva Ecija. Ang tatlong suspek ay nahaharap sa kasong kidnapping.
- Latest




















