Kelot tepok sa suntok ng dating katrabaho
MANILA, Philippines — Isang 34-anyos na lalaki ang idineklarang dead-on-arrival sa ospital matapos umanong suntukin ng dati niyang katrabaho sa paratang na ito ay nag-trespassing sa isang restricted area ng construction site na dati nilang pinagtatrabahuhan, Sta. Cruz, Maynila,kamakailan.
Kinilala ang nasawing biktima na si Marlon Hernandez, 34-anyos. Habang ang suspek ay kinilalang si Aldrin Labay.
Sa salaysay sa pulisya ni Melody Hernandez, kapatid ng biktima,pinapunta ang biktima ng kapatid ng suspek sa kanilang trabaho upang sana bigyan ng pambili ng bagong tsinelas nitong Disyembre 23 ng tanghali.
Gayunman, may nakakita umano sa biktima na pumasok sa loob ng site kahit na restricted area ito, kaya nagalit umano ang suspek na si Aldrin.
Batay sa kuha ng CCTV, mapanonood ang biktima na nakatayo malapit sa nasabing construction site at pagkalapit ng suspek ay sinuntok niya ang biktima.
Sa pangalawang suntok ng suspek, doon na tumama sa pader ang ulo ng biktima bago siya tuluyang humandusay sa sahig.
Naidala pa sa ospital ang biktima ngunit binawian ang buhay Biyernes ng umaga.
Lumabas sa backtracking ng barangay, hindi pumasok ng site ang biktima.
Ayon naman sa kapatid ng suspek na siyang nagpapunta sa biktima, talagang bawal pumasok sa site dahil ilang beses nang may nawawalan ng gamit sa loob.
Gayunman,hindi niya umano lubos akalain na sasaktan ng kaniyang kapatid ang biktima, dahil kilala naman nila ito at minsan nang nakasama sa trabaho.Tinutugis na ang suspek na pinaniniwalaang nagtatago sa Bulacan.
- Latest




















