Easytrip, Autosweep iisa na – Pangulong Marcos Jr.

MANILA, Philippines — Pinangunahan kahapon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paglulunsad ng Toll Collection System Interoperability Project na tinawag na “One RFID, All Tollways” sa South Luzon Expressway (SLEX) sa Barangay Mapagong, Calamba City, Laguna.
Sinabi ng Pangulo na sa pamamagitan ng One RFID ay magpapabilis ang daloy ng trapiko at malaking oras ang mababawas sa biyahe ng mga motorista.
Sa ilalim ng bagong sistema, sinabi ng Pangulo na isang RFID sticker na lamang ang kailangan para sa mga toll expressway sa buong Luzon at hindi na malilito ang mga motorista mula sa paggamit ng dalawang RFID para sa NLEX at TPLEX.
Sa ginanap na aktibidad ay sinaksihan ni Pangulong Marcos Jr. ang online registration process para sa bagong sistema, pati na ang sabay-sabay na pagtatanggal ng RFID stickers na mayroong dalawang RFID.
Sinabi ng Presidente na libre ang registration sa bagong sistema at optional, nasa motorista na kung gagamit ng One RFID, depende sa pangangailangan.
Ang reporma sa RFID ay bahagi ng mas malawak na layunin ng gobyerno na gawing moderno, konektado at nakatuon sa pangangailangan ng bawat Pilipino ang imprastraktura.
- Latest



















