Delivery ng male-maletang cash, itinanggi ng 2 kasamahan ni Guteza
MANILA, Philippines — Tahasang pinabulaanan ng dalawang personal assistant ng Ako Bicol Party-list, ang alegasyon na sila’y sangkot sa umano’y pagdadala ng mga male-maletang puno ng limpak -limpak na salapi kaugnay ng imbestigasyon ng Senado sa kontrobersyal na flood-control projects.
Sa magkahiwalay na sinumpaang salaysay, itinanggi nina Mark Bunagan ng Taguig City at Allan Colesio ang pahayag ni Orly Regala Guteza na humarap noong Miyerkules sa Senate Blue Ribbon Committee. Ayon kay Guteza, kasama umano siya sa mga naghatid ng malaking halaga ng pera sa iba’t ibang tirahan ni Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co at dating House Speaker Martin Romualdez. Binanggit niya rin ang pangalan ng ilang kasama sa trabaho tulad ni Bunagan at Colesio.
“I deny his statement that he was hired as a security consultant for Congressman Zaldy Co on December 5, 2024. The truth is, we only worked together as personal assistants for other family members of Congressman Co from February 1, 2025 until he stopped reporting for work in August 2025,” giit ni Bunagan na kinumpirma rin ni Colesio.
Si Co ang dating Chairman ng House Committee on Appropriations ay pinararatangan din na may kinalaman sa budget insertions sa 2025 General Appropriations Act (GAA).
Idinagdag pa ng dalawa na wala silang natandaang pagkakataon na nakasaksi o nakisangkot sa umano’y pagdadala ng mga male-maletang pera na tinawag na “basura” tulad ng alegasyon ni Guteza.
- Latest



















