MRT-3 magbibigay ng libreng sakay sa mga pasaherong may National ID

MANILA, Philippines — Magbibigay ng libreng sakay ang Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) para sa mga pasaherong gagamit ng National ID sa pagsakay ng linya, sa lahat ng Miyerkules ng buwan ng Agosto.
Sa abiso ng MRT-3 sa kanilang social media pages,nabatid na epektibo ang nasabing Libreng Sakay mula alas-9:00 ng umaga hanggang alas-11:00 ng umaga at mula alas-6:00 ng gabi hanggang alas-8:00 ng gabi sa mga araw ng Miyerkules ng Agosto, o sa mga petsang Agosto 6, 13, 20, at 27.
Ayon sa MRT-3, ang naturang Libreng Sakay ay alinsunod sa layunin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na mapalaganap ang paggamit ng National ID, para sa mas madaling mga transaksiyon, pampubliko man o pribado, at mas mabilis at inklusibong paghahatid ng mga serbisyong panlipunan.
Kinakailangan lamang umano ng pasahero na iprisinta ang physical card, printed paper, o digital copy version ng kanilang National ID sa security personnel sa service gate ng mga istasyon upang makatanggap ng Libreng Sakay.
- Latest















