Ginang na testigo sa Ombudsman, itinumba

MANILA, Philippines — Dead-on-the-spot ang isang ginang nang barilin ng malapitan ng nag-iisang gunman matapos na dumalo sa isang pagdinig sa korte kaugnay sa isang kaso sa Ombudsman, kahapon ng umaga sa Brgy. Canlalay, Biñan City, Laguna.
Kinilala ang biktima sa alyas “Phoebe Dawn”, residente ng Barangay Sto. Tomas na namatay noon din dahil sa tama ng bala sa ulo.
Ayon sa mga saksi, alas-10:30 ng umaga ay walang suot na panakip sa mukha ang gunman nang lapitan ang biktima at malapitang barilin sa ulo.
Nabatid na katatapos lang dumalo ng biktima sa pagdinig sa korte na kung saan ay tumatayo ito bilang testigo sa isang kaso na isinampa noong Nobyembre 2024 sa Ombudsman.
Ito ay may kaugnayan sa umano’y iregularidad sa konstruksyon ng Ospital ng Biñan o OSBIN at paglabas ng daan-daang milyong pondo kahit hindi ito natapos at walang permit.
Sa sinumpaang salaysay ng biktima ay idinawit nito ang ilang lokal na opisyal at iba pang indibidwal sa kaso.
Kasalukuyang iniimbestigahan ng mga otoridad ang insidente at hinahanap din ang CCTV video footage na naka-install sa lugar upang matukoy ang pagkakakilanlan ng salarin.
- Latest