FB post na ‘di ligtas’ ang Pinas, inalmahan ng tourism industry

MANILA, Philippines — Inalmahan ng tourism industry ang isang FB post ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remullla na nagsasabing hindi nakakaramdam ng seguridad ang mga tao at hindi ligtas ang Pilipinas.
Ayon sa mga stakeholders, hindi dapat umano nagpost si Remulla sa official Facebook page ng PDP-Laban na nag-viral at naging sentro ng pambabatikos online.
Sinabi ng stakeholders, lubhang nakasisira sa reputasyon ng bansa bilang destinasyon ng mga turista ang pahayag ni Remulla na dapat ay isa sa mga opisyal na nagtatanggol sa Pilipinas.
Sa kanyang talumpati sa Hotel Sales and Marketing Association’s (HSMA) Sales and Marketing Summit, sinabi ni Remulla: “Ayaw ng mga tao pumunta sa bansa dahil hindi sila nakakaramdam ng kaligtasan. Natatakot sila. May sinisismo (pangungutya) sa mga masasamang balita dito, sa political atmosphere, at parang normal na lang ang patayan kaya natatakot ang mga tao.”
Ang pahayag ay lumabas isang araw matapos tutulan ng Department of Tourism (DOT) at iba’t ibang grupo ang “HelloSafe Safety Index 2025,” na nagturing sa Pilipinas bilang “least safe” na bansa para sa mga turista.
Ayon kay Tourism Secretary Christina Garcia Frasco, ang naturang survey ay batay sa kaduda-dudang datos, walang transparency, at hindi sumasalamin sa tunay na kalagayan ng bansa.
- Latest