Wanted na teroristang bomber nasukol ng NBI
MANILA, Philippines — Nasukol ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isa sa apat na mga kasapi ng Dawlah Islamiya na wanted sa pambobomba ng mga bus at mga establisimyento nitong nakalipas na mga taon.
Hindi na pumalag ang suspek na si Lutre Aman Bangcailat nang pakitaan ng mga NBI ng warrant of arrest mula sa Regional Trial Court Branch 16 sa Kabacan, Cotabato kaugnay ng diumano pagpapasabog niya at ng mga kasabwat ng bomba sa isang bus sa Tulunan, Cotabato nitong January 2021 na nagresulta sa pagkasawi ng isang taong nasa gilid ng highway at pagkasugat ng apat na iba pa.
Ayon kay Jonathan Balite, regional director ng NBI-BARMM, na natukoy nila kinaroroonan ni Bangcailat sa Barangay Rosary Heights 11 sa Cotabato City.
Si Bangcailat, ng Barangay Buliok, Pikit sa Cotabato, ay kilalang miyembro ng Dawlah Islamiya at ng kaalyado nitong Bangsamoro Islamic Freedom Fighters na parehong itinuturong responsable sa mga madugong pambobomba sa Central Mindanao mula 2019.
- Latest