Teves nanakit tiyan, inoperahan sa ospital

MANILA, Philippines — Dahil sa matinding pananakit ng tiyan, isinugod sa ospital nitong Martes ng umaga si dating Negros Oriental Representative Arnolfo “Arnie” Teves Jr. at sumailalim sa major surgery, ayon sa kaniyang abogado kahapon.
Sa mensahe ni Atty. Ferdinand Topacio sa mga mamamahayag, kinumpirma niyang dinala si Teves sa emergency room ng isang hindi tinukoy na pagamutan, sa isyu ng seguridad, alas-5:00 ng umaga ng Hunyo 17, matapos makaranas ng sobrang pananakit ng tiyan na nagsimula ng hatinggabi sa loob ng selda nito sa Metro Manila District Jail sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig City.
Umabot pa ng umaga, nang mas tumindi umano ang nararamdamang sakit bago aniya, napagbigyan na dalhin sa ospital ang kaniyang kliyente.
Ayon pa kay Topacio, ipinasailalim si Teves sa “major surgery” kasunod ng mga karagdagang pagsusuri sa isang government hospital. Nagpasiya aniya ang mga doktor na ipalipat sa isang pribadong ospital sa Taguig City si Teves para siya maoperahan.
Hindi binanggit ni Topacio kung anong partikular na karamdaman ng kaniyang kliyente na ililipat sa isang ospital na ‘di tinukoy sa isyu ng seguridad.
Naipaalam na rin aniya, sa mga regional trial court, kung saan may mga kasong kriminal na kinakaharap ang kaniyang kliyente.
- Latest