18 OFW na apektado sa tensiyon sa Middle East, umuwi

MANILA, Philippines — Labing walong overseas Filipino workers (OFWs) na naipit sa tensiyon sa Middle East ang dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal, alas-9:30 ng umaga kahapon.
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), patungo sana ang mga OFWs sa Tel Aviv, Israel at Amman, Jordan ngunit na- istranded sa Dubai dahil sa temporary shutdown ng mga pangunahing paliparan, bunsod na rin ng tumataas na tensiyon sa Gitnang Silangan.
Anang DMW, ang kanilang migrant workers office sa Dubai ang nagkaloob ng airport assistance at pagkain sa mga apektadong OFWs, bago sila tuluyang lumulan ng Philippine Airlines flight PR 659 sa Dubai noong Linggo, Hunyo 15.
Alinsunod sa kautusan ni Pang. Ferdinand Marcos Jr., pinagkalooban din ang mga OFW ng financial support, sa pamamagitan ng DMW Aksyon Fund at iba pang kaukulang tulong ng pamahalaan.
Una nang inilagay ng DMW sa heightened alert ang kanilang mga tanggapan sa Middle East dahil sa nagaganap na kaguluhan doon.
- Latest