Pagratipika sa Bicam report ng VIP Act, ikinagalak ni Sen. Go
MANILA, Philippines — Pinuri at ikinagalak ni Senator Christopher “Bong” Go ang pagratipika ng bicameral conference committee sa pinagsamang bersyon ng Senado at Kamara sa panukalang Virology Institute of the Philippines Act na kanyang iniakda.
Ang bicameral conference committee report sa Senate Bill No. 2893 ay niratipikahan ng Senado at ng Kapulungan ng mga Kinatawan noong Hunyo 9. Binigyang-diin ni Go ang mga naging aral mula sa COVID-19 pandemic, kung saan naging bulnerable ang bansa dahil sa kawalan ng nakatutok na pasilidad ng pananaliksik.
“Ang pandemya po ay naging leksyon sa ating lahat. Kung may sarili lamang tayong pasilidad noon para sa research and development ng bakuna at antiviral drugs, mas naging mabilis sana ang ating tugon sa krisis pangkalusugan na dulot ng COVID-19,” aniya. Ipinaliwanag ni Go na ang panukala niyang pagtatatag ng Virology and Vaccine Institute of the Philippines ay napakahalagang hakbang sa pagkamit ng biomedical self-reliance at pangmatagalang katatagan laban sa mga banta ng pandemya.
“Kung maisasabatas ang pagtatayo ng Virology and Vaccine Institute of the Philippines, mas mapalalakas natin ang kapasidad ng bansa na tukuyin, aralin, at labanan ang mga virus na maaaring magdulot ng malawakang sakit o pandemya. Isa itong malaking hakbang tungo sa pagiging self-reliant natin pagdating sa mga bakuna at gamot laban sa mga infectious diseases,” paliwanag ni Go.
- Latest