27 milyong mag-aaral, balik-eskwela na

Mahigit 37K pulis, idineploy
MANILA, Philippines — ‘All systems go’ na ang pagbubukas ng klase sa mga pampublikong paaralan sa bansa ngayong Lunes, Hunyo 16.
Ito ang tiniyak ni Education Secretary Sonny Angara, handang-handa na sila para sa pagbabalik-eskwela ng mga mag-aaral ngayong School Year 2025-2026.
Ayon naman kay Dennis Legaspi, Media Relations chief ng Office of the Secretary ng DepEd, ang projected enrollment ng DepEd ngayong school year ay nasa 27 milyon.
Matatandaang una nang pinadali at ginawang cost-effective ng DepEd ang pagpapa-enroll sa basic education school.
Nabatid na pinasimple na lamang ng DepEd ang mga rekisitos na kakailanganin ng mga mag-aaral sa pag-e-enroll, na nagpapahintulot sa mga magulang na minsanan na lamang magsumite ng birth certificate ng kanilang mga anak, sa buong K-12 education, alinsunod na rin ito sa kautusan ni Pang. Marcos Jr.
Inanunsyo naman ng Philippine National Police (PNP) na magtatalaga sila ng 37,750 na mga pulis sa ilalim ng Oplan Balik-Eskwela 2025–2026 sa buong bansa bilang bahagi ng ligtas na pagbubukas ng klase ngayong Lunes.
Ayon sa PNP, babantayan ng mga pulis ang nasa 45,974 na kabuuang paaralan kabilang dito ang 38,292 na mga public schools at 7,682 na private schools.
Magkakaroon din ng 5,079 na mga police assistance desk na pangangasiwaan ng 10,759 pulis, habang 10,687 ang magsasagawa ng mobile patrols kasama pa ang 16,366 na foot patrols.
- Latest