Mga pinoy sa Israel, Iran pinag-iingat!

DMW naka-heightened alert
MANILA, Philippines — Dahil sa lumalalang tensyon sa pagitan ng Israel at Iran, itinaas na ng Department of Migrant Workers (DMW) ang alert status ng kanilang mga tanggapan.
Sinabi ni DMW Undersecretary Bernard Olalia sa Saturday News Forum sa Quezon City, na mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at DMW Secretary Hands Leo Cacdac ang nag-utos nito.
“Naka-heightened alert po ngayon ang DMW. Lahat ng front offices, lalo na ang ating Migrant Offices sa Israel, Jordan, Lebanon at iba pang bansa sa Gitnang Silangan, ay nakaalerto dahil sa kaguluhan sa rehiyon,” sinabi pa ni Olalia.
Handa na rin aniya ang DMW at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sakaling lumala pa ang sitwasyon, mag-escalate ang kaguluhan at lumawak sa regional conflict.
Dahil dito, lahat ng labor attaché at kanilang mga staff ay naka-duty na ngayon 24/7 at bawal na rin ang lahat ng leave at naka-standby ang mga hotline anumang oras.
Maaari aniyang tumawag sa kanilang 24/7 hotline ang mga OFWs at kanilang pamilya sa 1348 sa loob ng Pilipinas at +63 2 1348 mula sa labas ng bansa.
Siniguro naman ni Olalia na may mga nakahandang contingency measures ang pamahalaan kung sakaling lumala ang sitwasyon. Naghanap na rin aniya ng alternati-bong ruta ang DMW para sa repatriation dahil sarado ang airspace ng Israel at Iran.
Ayon sa DMW, tinatayang 20,000 Pilipino ang kasalukuyang nasa Israel, 13,000 dito ay dokumentado, habang mahigit 6,000 ang walang kaukulang papeles kung saan karaniwan nilang trabaho ay caregiver, hotel staff, o sa sektor ng agrikultura, serbisyo, at paggawa.
Samantala, pinayuhan ng Philippine Embassy sa Iran ang mga Pilipino roon na iwasan muna ang mga pampublikong lugar at manatiling laging update sa mga development at balita tungkol sa tension sa pagitan ng Iran at Israel.
“Avoid travelling to or visiting places where large public gatherings of political nature usually take place,” base sa advisory.
Ang abiso ay ginawa ng Philippine Embassy matapos na tirahin ng missile ng Israel ang Iran nitong Biyernes ng umaga.
Nauna na ring pinayuhan ng Philippine Embassy sa Israel ang mga Pinoy doon na manatili na lang sa bahay matapos na isailalim ang nasabing bansa sa “essential activity status” simula nitong Biyernes, Hunyo 13-14 ng alas-8 ng gabi.
Sa ilalim ng Essential Activity status, lahat ng klase ay suspendido sa buong Israel at pagbabawal sa lahat ng pagtitipon , gayundin ang pagsuspinde sa lahat ng trabaho maliban lang sa pagbibigay ng mahahalagang serbisyo.
- Latest