10-anyos anak ng parak, nagsoli ng cellphone
MANILA, Philippines — Ibinalik ng 10-taong gulang na anak ng isang pulis ang napulot na cellphone sa mag-asawang senior citizen na nagmamay-ari nito sa Taguig City, nitong Hunyo 13.
Ipinagmalaki ni Southern Police District (SPD) acting director P/Brig. General Joseph Arguelles ang katapatan at pagiging mature na pag-iisip ng batang si Jhunrelle DC Tecson sa pagsisikap niya at ng inang si P/Col. Jenny Tecson na maibalik ang cellphone sa may-ari na sina Mr. at Mrs. Sañada.
Alas-9:30 ng umaga ng Hunyo 13, nang magtungo ang mag-asawang senior citizens sa District Community Affairs and Development Division at pinasalamatan sa nabawing mobile phone.
Ayon kay Arguelles, napulot ng bata ang cellphone habang nag-iikot kasama ang pinsan, sa Bonifacio High Street, sa Global City, Taguig noong Abril 23, 2025 at ipinagtanong subalit walang nag-claim. Binuksan ang saved contact sa napulot na CP at ipinaalam na maaaring makuha ito sa SPD.
Nang hindi pa rin na-claim, isang “Kuya Ambo” sa saved contacts ang tinawagan ni Col. Tecson, na isang family driver Sañada ang nangako na magpaparating ng impormasyon, subalit natagalan pa dahil hindi umano siya nag-duty sa mag-asawa. Lumipas ang ilang linggo, muling tinawagan ni Col. Tecson si Kuya Ambo at ibinigay ang eksaktong address ng SPD.
Mainit na pasasalamat at papuri ang ibinigay ng mag-asawa sa bata at kay Col. Tecson sa pagtungo sa SPD.
- Latest