OVP natanggap na ang ‘writ of summons’ na ipinadala ng impeachment court
MANILA, Philippines — Natanggap na ng Office of the Vice President (OVP) ang ipinadalang writ of summons ng Senate Impeachment Court kaugnay sa impeachment trial na kinakaharap ni Vice President Sara Duterte.
Ayon sa OVP, natanggap nila ang writ of summons dakong alas-11:05 ng umaga kahapon ngunit hindi tinukoy kung sino ang tumanggap nito.
Alinsunod sa summons, si VP Sara ay binibigyan lamang ng non-extendible period na 10-araw, mula sa araw ng pagkatanggap dito, upang sagutin ang reklamong inihain laban sa kanya, alinsunod sa Article 7 ng impeachment rules.
Inatasan din naman ng impeachment court si VP Sara na harapin ang isasagawang paglilitis laban sa kanya.
Matatandaang nitong Martes ay nag-convene ang Senado bilang isang impeachment court nitong Martes at nagkasundo rin naman ang mga senator-judges na ibalik sa House of Representatives ang Articles of Impeachment nang hindi ibinabasura ang kaso laban sa bise presidente.
Si VP Sara ay kasalukuyang nasa Malaysia, kasama ang kanyang pamilya para sa isang personal na biyahe.
Inaasahan ding makikipagkita ito sa mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Kuala Lumpur, ngayong Huwebes, para makiisa sa pagdiriwang ng Independence Day doon.
- Latest