VP Sara, bumiyahe pa-Malaysia

Habang naghahanda ang Senado sa impeachment trial…
MANILA, Philippines — Habang naghahanda ang Senado para sa pagbubukas ng impeachment court, kinumpirma ng Office of the Vice President (OVP) nitong Martes na bumiyahe patungong Kuala Lumpur, Malaysia si Vice President Sara Duterte para sa isang personal na lakad kasama ang kanyang pamilya.
Ayon sa OVP, nakatakdang dumalo si Duterte sa pagdiriwang ng Independence Day sa Malaysia at magsagawa ng program consultation kasama ang mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Hunyo 12.
Magugunita na Lunes ng gabi ay pormal nang nanumpa si Senate President Francis “Chiz” Escudero bilang presiding officer ng impeachment court para sa kaso ni Duterte.
Inaprubahan din ng Senado ang mosyon ni Senador Joel Villanueva na nananawagan sa lahat ng senador na manumpa bilang senator-judges na isinagawa kahapon.
Matapos ang panunumpa, opisyal nang mabubuo ang impeachment court ngunit hindi pa ito kikilos o magbubukas para sa paglilitis.
Matatandaang na-impeach si Duterte ng Kamara noong Pebrero 5 sa pamamagitan ng botong sinang-ayunan ng mahigit 200 kongresista. Kabilang sa mga paratang sa kanya ay betrayal of public trust, culpable violation of the Constitution, at graft and corruption.
Samantala, wala pang pahayag ang OVP tungkol sa impeachment trial ni Duterte na gaganapin sa Miyerkules, Hunyo 11.
Una na ring sinabi ng defense team ni Duterte na nakahanda umano silang harapin ang lahat ng mga walang batayang alegasyong ibinabato sa pangalawang pangulo.
Kaugnay ng kaniyang impeachment, nauna nang iginiit ni Duterte na mas gugustuhin niya umanong magkaroon ng isang madugong paglilitis.
- Latest