78% ng mga Pinoy, pabor humarap si VP Sara sa impeachment - survey

MANILA, Philippines — Nakakaraming Pinoy ang nais na humarap si Vice President Sara Duterte sa impeachment trial na isasagawa ng Senado.
Ito ay batay sa Tugon ng Masa (TNM) survey na idinaos ng OCTA Research Group na lumilitaw na 78% ng mga Pinoy ang nagnanais na harapin ni VP Sara ang isang Senate trial o ang impeachment court upang tugunin ang mga kasong isinampa laban sa kanya at linisin ang kanyang pangalan.
Ayon sa survey, tanging 13% lamang ng mga respondents ang hindi sumang-ayon habang nasa 9% naman ang hindi alam ang isasagot o walang tugon hinggil dito.
Ang non-commissioned survey ay isinagawa mula Abril 20 hanggang 24, sa pamamagitan ng face-to-face interviews at nilahukan ng 1,200 respondents na nagkakaedad ng 18 taong gulang at pataas.
Mayroon itong margin of error na ±3 % na nasa 95% confidence level.
Ayon sa OCTA, “Subnational estimates for the geographic areas covered in the survey have the following margins of error at a 95% confidence level: ±6% for Metro Manila, Balance Luzon, Visayas, and Mindanao.”
- Latest