Lalaki nag-amok sa Parañaque, rumespondeng pulis sinaksak
MANILA, Philippines — Isang matapang na pulis ang sugatan makaraang saksakin sa ulo at dibdib ng isang nag-amok na lalaki na kanyang nirespondehan sa isang barangay sa Parañaque City, nitong Biyernes.
Si Police Staff Sergeant Carlo Sotelo Navarro, 45, nakatalaga sa BF Homes Police Substation (SS-5), ay nasaksak sa pagnanais niyang mapayapa ang naghuhuramentadong suspek na si alyas “Arnold”, residente ng Creek Drive 2, Barangay San Antonio, Parañaque.
Dakong alas-10:45 ng umaga ng Mayo 23, 2025 nang maganap ang insidente sa Creek Drive 1, Valley 8.
Rumesponde si PStaff Sgt. Navarro at isang PStaff Sgt. Maret sa tawag ng concerned citizen na may agresibong naghahamon ng away habang may hawak na patalim na nagdudulot ng tensyon sa lugar. Kasama rin sa pagresponde ang Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) nang lalo pang naging agresibo ang suspek at hawak ang patalim na umatake kay Navarro kaya sinagupa ito upang mapigilan subalit sinaksak siya sa ulo at sa dibdib.
Gayunman, sa kabila ng mga tama ay nagawang makontrol ni Navarro ang suspek at ni Maret katuwang ang BPAT.
Nakakulong na ang suspek na nakatakdang sampahan ng reklamo.
Pinuri naman ni Southern Police District Acting Director PBrig Gen. Joseph Arguelles ang ipinakitang katapangan ni Navarro.
- Latest