Mga holdaper sa BGC nakatambay sa 9th Avenue
4 banyaga na ang nabiktima…
MANILA, Philippines — Iniulat ng Japanese Embassy sa Pilipinas na tila target ng mga nakamotorsiklong holdaper ang mga banyaga sa Bonifacio Global City (BGC), Taguig City matapos na holdapin ang dalawang Japanese nationals at dalawang Korean nationals sa magkaibang araw sa kaparehong kalsada.
Ayon sa Japanese Embassy sa Pilipinas na dalawang lalaking Japanese ang hinoldap ng dalawang lalaki sa may 9th Avenue, BGC, dakong alas-3:00 ng hapon nitong Mayo 14.
Anya, target na holdapin ang mga Japanese sa Metro Manila, simula pa noong Oktubre ng nakalipas na taon, subalit ito ay kauna-unahan na nangyari sa BGC na kilalang ligtas na lugar.
Nabatid na ang dalawang biktima ay mga Japanese engineers na nasa edad-40 na nagtatrabaho sa Japanese company sa Clark Special Economic Zone, Pampanga.
Natangay sa dalawa ang kanilang mga bag na may lamang cash na P6,000; P50,000; credit cards; smartphones; Japanese driver’s licenses; company ID cards; at condominium resident cards.
Samantala, hinoldap din nitong Mayo 17 ang dalawang Korean nationals ng apat na holdaper na nakamotorsiklo sa kaparehong kalsada na kung saan ay unang naholdap ang dalawang Japanese.
Ayon sa mga biktima na sila ay naglalakad sa bangketa ng 9th Avenue nang sila ay lapitan ng apat na lalaki at nagdeklara ng holdap na kung saan ay tinangay sa kanila ang kanilang mamahaling bag na may laman na malaking halaga ng pera, bago nagsitakas.
- Latest