Comelec walang budget para sa hirit na manual recount

MANILA, Philippines — Wala umanong budget ang Commission on Elections (Comelec) sa hinihirit ng ilang kandidato at grupo na magkaroon ng manual recount sa resulta ng katatapos na Eleksyon 2025.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, mangangailangan muna ng bagong batas para mapagbigyan ang hirit na manual recount o kaya ay kailangang mag-file ng election protest ng isang kandidato.
Sinabi ni Garcia, kailangan munang amiyendahan ang Republic Act No. 9369 o automated election law upang mabigyan daan ang mga panawagan sa manual recount.
Isinasaad ng naturang batas ang “full automated poll” at walang puwang sa manual na bilangan.
Gayunpaman, nakasaad din sa batas na magsasagawa ang Comelec ng random manual audit sa mga selected clustered precincts upang matsek kung magta-tally ito sa resulta ng automated counting machines (ACMs).
Naunang humirit ng manual recount si Apollo Quiboloy matapos hindi makapaniwala sa naging posisyon nito sa senatorial race.
Humirit din ang Gabriela Partylist ng manual recount dahil nanganganib itong hindi mabigyan ng isang silya sa Kongreso.
Iginiit ni Garcia na tanging election protest lamang ang paraan upang magkaroon ng manual recount. Sa ilalim nito, ang Senate Electoral Tribunal na at hindi Comelec ang mangangasiwa sa proseso.
Para sa isinusulong na manual record, kailangan aniya na maamiyendahan ang automated election law.
- Latest